Pagpapatibayin ng Ministry of Labor and Employment (MOLE) at Bangsamoro Tripartite Industrial Peace Council (BTIPC) ang kanilang pagtutulungan upang mapanatili ang maayos na ugnayan sa pagitan ng mga manggagawa, employer, at pamahalaan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Ito ay kasunod ng paglagda ng dalawang panig sa isang resolusyon na naglalayong palakasin ang industrial peace at isulong ang maayos na ugnayang paggawa sa rehiyon.

Pinangunahan ni MOLE Minister Muslimin G. Sema ang paglagda, kasama ang mga kinatawan ng pamahalaan, sektor ng mga manggagawa, at mga employer na bumubuo sa BTIPC.

Sa pamamagitan ng resolusyon, layong palawakin ang diyalogo at kooperasyon ng mga sektor upang maisulong ang mapayapa at produktibong kapaligiran sa paggawa.

Bahagi rin ito ng pagsisikap ng MOLE na pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Bangsamoro, itaguyod ang makatarungang pagtrato sa kanila, at makatulong sa paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho at pagpasok ng pamumuhunan sa rehiyon.

Nagsisilbing tagapayo at konsultatibong lupon ng MOLE ang BTIPC sa mga usapin hinggil sa ugnayang paggawa, trabaho, at pagpapanatili ng kapayapaan at pagkakaisa sa sektor ng industriya.