Sasailalim sa quarantine sa Rotterdam, Netherlands ang 38 Pilipinong seafarers na sakay ng cruise ship na MV Hondius matapos maapektuhan ng hantavirus, bago tuluyang makauwi sa Pilipinas.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nagsimula na ang phased transfer ng mga Pilipinong crew patungong Netherlands, kung saan apat na tripulante ang nauna nang nailipat nitong Mayo 10, habang 20 pa ang nakatakdang sumunod sa mga susunod na araw. Ang natitirang 14 na crew na kabilang sa deck at engine department ay sasabay na rin sa biyahe ng barko patungong Rotterdam.
Samantala, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na isasailalim sa 42-day quarantine protocol ang mga seafarers at dadaan muna sa masusing testing bago payagang makauwi sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, nasa maayos na kalagayan ang mga Pilipinong crew at ayon sa ulat ay nag-negatibo sa virus. Tiniyak din ng Department of Migrant Workers na mananatiling aktibo ang kanilang kontrata at patuloy silang tatanggap ng sahod habang nasa quarantine, habang sasagutin ng may-ari ng barko ang lahat ng gastusin sa Netherlands.
Matatandaan na tatlo na ang nasawi sa naturang outbreak—kabilang ang mag-asawang Dutch at isang German national.
Ayon sa mga health officials, mababa ang panganib ng hantavirus sa pangkalahatang publiko at hindi ito itinuturing na katulad ng COVID-19 pandemic.
Batay naman sa Department of Health Epidemiology Bureau, wala pang naitatalang kaso ng hantavirus sa Pilipinas, at pinawi rin ang pangamba na posibleng mauwi ito sa panibagong pandemya.

















