Mahigit 5.15 milyong indibidwal o katumbas ng halos 1.47 milyong pamilya ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng mga nagdaang bagyong Maymay at Luis at ng Habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Batay sa ulat ng Office of Civil Defense o OCD nitong Martes, Agosto 18, kabilang sa mga naapektuhan ang mga lugar sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, CALABARZON, MIMAROPA, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.

Ayon kay OCD Information Officer Diego Mariano, mahigit 6,300 pamilya ang nananatili pa rin sa mga evacuation center.

Samantala, patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang ulat hinggil sa 26 na nasawi dahil sa mga kalamidad.

Pinakamarami sa mga naitalang nasawi ay mula sa Benguet na may 15, habang tig-tatlo naman sa Rizal at Batangas, dalawa sa Caloocan, at tig-isa sa La Union, Quezon at Negros Occidental.

May isa pa ring indibidwal na iniulat na nawawala.

Umabot naman sa 1,786 bahay ang napinsala, kabilang ang 203 na tuluyang nawasak.