Niyanig ng isang strafing incident ang Purok 4, Barangay Central Labas, Kadayangan, Special Geographic Area-BARMM kagabi, araw ng Miyerkules, Mayo 27, 2026 matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga armadong suspek ang ilang kabahayan sa lugar.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente bandang alas-7:05 ng gabi at nai-report sa mga awtoridad makalipas ang halos 40 minuto.
Kabilang sa mga naapektuhan ang limang residente ng lugar, kabilang ang isang barangay kagawad.
Batay sa paunang imbestigasyon, naghahanda umano ng kanilang hapunan ang ilan sa mga biktima kasama ang kani-kanilang pamilya nang bigla na lamang umanong nagpaputok ng baril ang mga hindi nakilalang armado mula sa hilagang-silangang bahagi ng lugar patungo sa kanilang mga bahay.
Dahil sa insidente, tinamaan ng mga ligaw na bala ang ilang bahagi ng limang kabahayan na nagdulot ng pinsala sa mga ari-arian.
Wala namang naitalang nasawi o nasugatan sa naturang insidente.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng pulisya upang beripikahin ang ulat at nagsagawa ng paunang imbestigasyon sa lugar.
Patuloy ang pangangalap ng impormasyon mula sa mga posibleng testigo para sa pagkilala sa mga salarin habang nagsasagawa rin ng follow-up operations ang mga awtoridad.
Nakipag-ugnayan na rin ang himpilan ng pulisya sa mga tropa ng 33rd Infantry Battalion ng Philippine Army at RMFB 1405th para sa karagdagang seguridad sa lugar at upang mapangalagaan ang crime scene habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
















