Sumuko sa mga awtoridad ang limang indibidwal na umano’y miyembro ng BIFF-Karialan Faction sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, kasama ang pagsuko ng dalawang homemade Rocket-Propelled Grenades o RPG kahapon araw ng Miyerkules, Oktubre 7.

Pinangunahan ng Shariff Aguak Municipal Police Station ang pagsuko sa koordinasyon ng iba’t ibang police at military units, kasunod ng intelligence information mula sa PIT Maguindanao del Sur at RIU15.

Ayon sa pulisya, boluntaryong isinuko ng limang surrenderees ang dalawang homemade RPG bilang bahagi ng kanilang pagtalikod sa armadong aktibidad at pagbabalik sa mapayapang pamumuhay.

Nasaksihan ang aktibidad ni Shariff Aguak Vice Mayor Mohamad Akmad Ampatuan Jr., mga barangay officials at media.

Dinala ang mga sumuko sa PIT Maguindanao del Sur para sa reprocessing at debriefing, habang nasa kustodiya naman ng RIU15 ang mga isinukong armas para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.