Naglatag ng kanilang policy research studies ang limang youth researchers sa Bangsamoro Youth Commission o BYC, na tumalakay sa iba’t ibang isyu ng kabataan sa Bangsamoro.
Iniharap ang mga pag-aaral sa final research presentation ng Ideation Impact Challenge o IIC 2026 sa Cotabato City noong Setyembre 21.
Kabilang sa mga paksa ang out-of-school youth, epekto ng rido sa edukasyon, kalagayan ng mga estudyanteng may physical impairments, culturally grounded at gender-responsive school counseling, at responsableng paggamit ng digital platforms.
Ayon kay BYC Chairperson Nasserudin D. Dunding, mahalagang magamit ang mga resulta ng pananaliksik bilang batayan sa pagbuo ng mga polisiya at programang tumutugon sa aktuwal na pangangailangan ng kabataan.
Naglaan ang BYC ng kabuuang isang milyong piso para sa IIC 2026, kung saan tig-dalawang daang libong piso ang research grant ng limang napiling researchers.
Kasabay nito, inilahad ni Ahmed Harris Pangcoga ng Transforming Fragilities Incorporated ang Bangsamoro Youth Development Plan 2025–2030, na nagsisilbing regional policy framework para sa mga programa at proyekto para sa kabataan.
Layunin ng IIC na maisama ang karanasan at pananaw ng kabataan sa pagbuo ng mga polisiya at solusyon sa mga isyung nakaaapekto sa kanila.

















