Mariing kinondena ng pamunuan ng 6th Infantry “Kampilan” Division ng Philippine Army ang patuloy at walang habas na pagrerekrut ng mga Communist Terrorist Groups (CTG) sa mga kabataang katutubo.

Ito ay kasunod ng pagkakaaresto ng militar sa dalawang menor de edad na miyembro ng CTG sa bayan ng Kalamansig, Sultan Kudarat. Kinilala ang mga ito sa mga alyas na “Digbay”, 16 taong gulang, at “Mario”, 17 taong gulang — kapwa sugatan nang masakote ng 37th Infantry “Conqueror” Battalion sa bahagi ng Sitio Muagan, Barangay Datu Ito Andong, noong Sabado, Hunyo 21.

Ayon kay Lt. Col. Christopherson Capuyan, kumander ng 37IB, ang dalawang kabataang rebelde ay kabilang sa mga nakasagupa ng militar noong Huwebes, Hunyo 19, sa parehong lugar. Sa naturang enkwentro, nasawi ang isang sundalo at tatlong miyembro ng NPA, kabilang ang dalawang matataas na opisyal ng kilusan.

Narekober mula sa mga menor de edad ang isang M16 rifle at tatlong magasin. Agad silang isinailalim sa medikal na atensyon sa Camp Siongco Station Hospital.

Nagpahayag naman ng matinding pag-aalala si BGen. Michael Santos, kumander ng 603rd Infantry “Persuader” Brigade, hinggil sa dumaraming kaso ng pagrerekrut ng CTG sa mga kabataan. Aniya, pabata nang pabata ang nahihikayat ng kilusan, na patunay ng mabisang panlilinlang at propaganda laban sa mga inosenteng kabataan.

Bunsod nito, inatasan ni MGen. Donald Gumiran, commander ng 6ID at Joint Task Force Central, ang mga nasasakupang yunit na magsampa ng kaukulang kaso laban sa NPA, alinsunod sa umiiral na International Humanitarian Law (IHL) upang mapanagot ang mga ito sa kanilang paglabag.