Pinaiigting ng 6th Infantry “Kampilan” Division ang pagbabantay sa mga COMELEC checkpoint sa mga prayoridad na lugar bilang bahagi ng seguridad para sa nalalapit na halalan.

Ayon kay 6th Infantry “Kampilan” Division Spokesperson Lieutenant Colonel Ronald E. Suscano, nakatalaga na ang kanilang mga tauhan kasama ang Philippine National Police sa mga checkpoint mula nang magsimula ang election period.

Kabilang dito ang mga lugar na tinukoy ng COMELEC bilang mga prayoridad o hotspot areas, kung saan regular na nagpapalitan ang mga tauhan upang matiyak ang 24-oras na pagpapatupad ng mga patakaran sa checkpoint operations.

Sinabi ni Suscano na sa ilalim ng operational area ng 6th Infantry Division, nakatuon ang kanilang pwersa sa dalawang lalawigan ng Maguindanao at sa Special Geographic Area o SGA.

Samantala, ang mga lalawigan ng Lanao ay sakop ng 1st Infantry Division, habang ang Basilan at Tawi-Tawi naman ay nasa ilalim ng operational control ng 11th Infantry Division na nakabase sa Sulu.

Patuloy naman ang koordinasyon ng mga security forces at COMELEC sa pagpapatupad ng checkpoint operations upang makatulong sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan ngayong election period.