Naaresto ng Cotabato City Police ang Top 1 Most Wanted Person sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte na si alyas Sanip sa ikinasang operasyon sa Purok San Jose, MB Tamontaka, kagabi, Miyerkules.

Kasama ring nasakote sina alyas Pe at alyas Fai na kapwa may standing warrants of arrest kaugnay sa kasong murder na may kaparusahang walang piyansa.

Ang operasyon ay matagumpay na naisakatuparan ng Cotabato City Police Office (CCPO) katuwang ang Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station at iba pang operating units.

Bukod sa pagiging Top 1 Most Wanted sa kanilang bayan, kabilang din si alyas Sanip sa Top 5 Most Wanted sa buong Maguindanao del Norte at nakalista sa e-warrant system.

Kasalukuyan nang nakapiit ang tatlo sa custodial facility ng CCPO habang hinihintay ang commitment order mula sa korte.