Pinarangalan ng 11th Infantry “Alakdan” Division ng Philippine Army si Corporal Efren M. Lagmay ng 45th Infantry “Gallant” Battalion sa pamamagitan ng military honors matapos itong masawi dahil sa mga pinsalang tinamo sa armadong pananambang sa Lamitan City, Basilan.

Ayon sa ulat ng militar, nasugatan si Cpl. Lagmay sa pananambang noong Oktubre 8, 2026, at binawian ng buhay kinabukasan, Oktubre 9.

Sinalubong ng buong parangal militar ang mga labi ng sundalo sa Jolo Airport bago ito ihatid sa kanyang pamilya. Isinagawa rin ang three-volley rifle salute sa kanyang libing bilang huling pagpupugay sa kanyang paglilingkod sa bansa.

Personal namang nagbigay-galang si Lt. Col. Genesis R. Gabrido, commanding officer ng 41st Infantry “Partner for Peace” Battalion, bilang pagkilala sa katapangan at dedikasyon ng nasawing sundalo.

Si Lagmay, ipinanganak noong Setyembre 18, 1991, sa San Manuel, Echague, Isabela, ay inilibing noong Oktubre 11 sa Sitio Gapus, Barangay Panabuan, Indanan, Sulu, alinsunod sa tradisyong Muslim at kahilingan ng kanyang pamilya.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang 11th Infantry “Alakdan” Division sa naulilang pamilya at binigyang-diin ang pagkilala nito sa sakripisyo ng mga sundalong naglilingkod at nagtatanggol sa sambayanang Pilipino.