Patuloy ang imbestigasyon ng San Fernando Municipal Police Station sa insidente ng pananambang sa isang pamilya sa Barangay Halapitan, San Fernando, Bukidnon, bandang alas-10 ng gabi noong Oktubre 14, 2025.

Ayon sa ulat ng pulisya, personal na alitan sa pagitan ng magkapitbahay ang posibleng motibo sa insidente. Sinabi ni Police Executive Master Sergeant Rael M. Ganadillo, Chief Investigator ng San Fernando Police Station, na pinasok ng suspek na kilala bilang alyas “Gardo” ang bahay ng pamilya at nagkaroon ng pananambang.

Nasawi ang inang si Rutchell Lasponia Amad, 32 anyos, habang sugatan ang kanyang asawa na si Jorniel Amad, 34 anyos, at ang kanilang 12-anyos na anak na si alyas “Biboy”. Agad silang dinala sa ospital para sa agarang gamutan.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek. Patuloy ang hot pursuit operation ng mga awtoridad upang mahuli ang salarin at matukoy ang tunay na dahilan sa likod ng insidente, na nagdulot ng matinding pangamba sa mga residente.