Ginagamot ngayon sa ospital ang isang 82-anyos na lalaki matapos umanong putulan ng dila habang mahimbing na natutulog sa loob ng kanilang bahay sa Purok Talisay, Barangay Militar, Tukuran, Zamboanga del Sur.

Kinilala ang biktima na si Rogelio Chavez, 82. Suspek naman ang kapitbahay na nakilala lamang sa alyas “Kimkim,” residente ng Purok Malinawon sa parehong barangay, na sinasabing may diperensiya sa pag-iisip.

Sa mga impormasyong nakalap, sinabi ng anak ng biktima na si Virgil Chavez na normal lamang silang natulog noong gabi ng Nobyembre 24. Bandang alas-3 ng madaling-araw, nagising pa umano siya at nakita niyang mahimbing ang kanyang ama.

Ngunit pagsapit ng alas-4:20 ng madaling-araw, tumambad kay Virgil ang nakagigimbal na tagpo—nakahandusay na sa sahig ang kanyang ama at putol ang dila, na umano’y pinutol ng kanilang kapitbahay.

Mas lalo pang ikinabahala ng pamilya ang sinabi umano ng suspek bandang alas-5:00 ng umaga na “tiwason niya og gulgol” o tatapusin pa raw nito ang paggilit sa dila ng matanda. Dahil dito, agad na pinigilan ni Virgil ang suspek at nagkaroon pa sila ng humigit-kumulang 10 minutong habulan at agawan ng patalim.

Nang maagaw ang patalim, agad itong isinuko sa pulisya, habang dinala naman sa ospital ang biktima para maoperahan.

Ayon sa pamilya, nagkaroon na ng kasunduan sa pagitan ng kanilang pamilya at ng pamilya ng suspek kung saan aakuin ng huli ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng matanda.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.