Arestado ang limang indibidwal matapos mahuli sa aktong nagsasagawa ng iligal na pangingisda ng mga tauhan ng Surigao del Norte Maritime Police Station (MARPSTA) sa karagatang sakop ng Barangay Danawan, Surigao City, dakong alas-12:30 ng madaling araw noong Enero 4, 2026.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek sa mga alyas na “Bern” (44), “Del” (30), “Ed” (27), “Nil” (40), at “Jun” (37), pawang mga residente ng naturang barangay. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Section 86(b) ng Republic Act No. 10654, o ang amended Fisheries Code of the Philippines.

Sa isinagawang operasyon, nasamsam ng mga awtoridad ang isang bangkang de-motor, dalawang makina, air compressor na may hose, mga kagamitang pang-diving, spear gun, at humigit-kumulang anim na kilo ng sari-saring isda na tinatayang nagkakahalaga ng ₱123,300.

Ang mga naarestong indibidwal, kasama ang mga nakumpiskang ebidensiya, ay dinala sa himpilan ng Surigao del Norte MARPSTA para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Muling pinaalalahanan ng Maritime Group ang publiko na iwasan ang paggamit ng mga ipinagbabawal na paraan ng pangingisda upang mapangalagaan ang yamang-dagat at matiyak ang pangmatagalang kabuhayan ng mga mangingisda.