Tinatayang walong kabahayan ang naapektuhan ng sunog na sumiklab kahapon sa Tamse Road, Barangay Martinez, Poblacion 4, Cotabato City.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cotabato City, agad namang rumesponde ang kanilang personnel sa insidente. Katuwang nila sa pag-apula ng apoy ang Filipino-Chinese Volunteer Brigade, ilang PNP personnel, at mga barangay officials, na nakatulong sa mabilis na pagsugpo sa sunog.

Inireport ng BFP Cotabato City na nagsimula ang sunog pasado alas-2 ng hapon at idineklarang fire out bandang alas-2:38, o halos 30 minuto ang ginugol para makontrol ang insidente.

Batay sa paunang imbestigasyon ng BFP, posibleng sanhi ng sunog ang electrical short circuit o mga naiwan pang nakasaksak na appliances sa isa sa mga walang taong bahay sa nasabing lugar.

Kasalukuyang kinokolekta ng BFP ang impormasyon upang matukoy ang eksaktong pinsala at halaga ng mga nasunog na ari-arian.

Sa kanyang pahayag, pinayuhan ni FO2 Anthony G. Henilo, Chief PIS at Spokesperson ng BFP Cotabato City, ang publiko na maging maingat sa paggamit ng kuryente sa bahay, siguraduhing patay ang main breaker kapag walang tao, at panatilihin ang kalinisan sa kusina at paligid upang maiwasan ang sunog. Idinagdag din niya na ang responsibilidad sa fire safety ay hindi lamang ng BFP kundi ng bawat residente ng lungsod.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng BFP at lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente at maiwasan ang katulad na insidente sa hinaharap.