Nasawi ang 43-anyos na si Guiabar Laguiamuda Dalgan, isang magsasaka at dating drug surrenderee, matapos siyang pagbabarilin habang pauwi na sa kanyang bahay gamit ang tricycle (payong-payong) sa Purok 2, Barangay North Binagga, ngayong Marso 4.

Ayon sa ulat, bandang 12:44 PM ay nakatanggap ng tawag ang Talayan MPS tungkol sa insidente. Agad namang nagresponde ang kanilang mga tauhan sa pamumuno ni PMAJ Michael L. Ameril, COP, at nakipag-ugnayan sa 1ST MP, PMFC. Pagdating sa lugar bandang 1:10 PM, agad nilang pinatupad ang cordon sa crime scene.

Sa paunang imbestigasyon, sinadyang pagbabarilin ang biktima ng hindi pa nakikilalang suspek, na tumama sa kanyang ulo at nagdulot ng agarang kamatayan. Nakarekober din sa lugar ng krimen ang isang pirasong empty shell mula sa umano’y 5.56mm na bala.

Ang bangkay ng biktima ay na-claim na ng pamilya at inihanda para sa libing ayon sa tradisyong Islamiko. Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo at ang pagkakakilanlan ng suspek.

















