Nasawi ang isa sa dalawang sundalong pinagbabaril sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte matapos ideklarang dead on arrival sa ospital, habang nananatiling kritikal ang kalagayan ng isa pang biktima na sumasailalim sa operasyon.

Sa panayam ng Star FM Cotabato, kinumpirma ni Police Captain Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region o PRO-BAR, na nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib at ulo ang nasawing sundalo.

Ayon kay Salanguit, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation at checkpoint operations ang pulisya katuwang ang Philippine Army matapos ang insidente.

Dalawang suspek ang naaresto matapos masita sa isang checkpoint ng Philippine Army sa Rebuken, Sultan Kudarat, matapos tumugma ang kanilang mga deskripsiyon sa impormasyong ibinigay ng mga testigo.

Gayunman, wala pang inilalabas na impormasyon ang pulisya hinggil sa posibleng grupong kinabibilangan ng mga suspek, habang patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa pamamaril.

Ayon kay Salanguit, kabilang sa mga sinisilip na anggulo ang posibilidad na may kaugnayan sa trabaho ng mga biktima ang insidente, bagama’t hindi pa rin inaalis ang posibilidad na may personal na alitan ang isa sa kanila.

Dagdag pa ng opisyal, hindi pa nagbibigay ng impormasyon ang mga naarestong suspek sa isinagawang pagtatanong ng mga imbestigador.

Samantala, nagpasalamat ang PRO-BAR sa Philippine Army at sa mga concerned citizens na tumulong sa operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.

Nanawagan din si Salanguit sa publiko na agad ipagbigay-alam sa pulisya ang anumang banta sa kanilang kaligtasan upang makapagsagawa ng kaukulang dokumentasyon at makapagbigay ng kinakailangang proteksiyon ang mga awtoridad.

Tiniyak naman ng PRO-BAR na nagpapatuloy ang kanilang police visibility at pagpapatrolya upang mapanatili ang seguridad sa kanilang nasasakupan.