‎Isinulong ni Bangsamoro Parliament Youth Representative MP Sulffy V. Abbas ang mas matatag na representasyon ng mga sektor at pagpapalakas ng mga mekanismo ng pananagutan sa Parlamento sa deliberasyon ng panukalang parliamentary rules kahapon, Nobyembre 24, 2026.
‎
‎Sa ikalawang sesyon ng First Regular Session ng Bangsamoro Parliament, iminungkahi ni Abbas ang pagtatatag ng hiwalay na Committee on Youth upang magkaroon ng mas nakatuong talakayan at pagtutok sa mga usapin at interes ng kabataang Bangsamoro.
‎
‎Iminungkahi rin niya na magkaroon ng kinatawan ang minority bloc sa Committee on Accounts at Committee on Blue Ribbon, gayundin ang awtomatikong pagkakaloob ng posisyon bilang vice-chairperson sa mga komite para sa oposisyon.
‎
‎Ayon sa panukala, layunin nitong palakasin ang oversight, accountability at checks and balances sa loob ng Parlamento.
‎
‎Gayunman, hindi in-adopt ng plenaryo ang mga naturang amyenda sa panukalang parliamentary rules.
‎
‎Sa kabila nito, iginiit ni Abbas na hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng puwesto ng mga sectoral representative sa Parlamento.
‎
‎Kailangan din umano ng mga mekanismong magtitiyak na tunay na maririnig at mabibigyang-pansin ang mga sektor na kanilang kinakatawan sa paggawa ng mga batas at pagpapasya ng pamahalaang Bangsamoro.