Arestado ang dalawang high-value individual matapos masamsam ang tinatayang mahigit tatlong kilo ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Maladig, Picong, Lanao del Sur kaninang alas-7:30 ng umaga.
Kinilala ang mga suspek na sina alias “Ben,” 55-anyos, negosyante at residente ng Gen. Trias, Cavite at alyas Abs, 46-anyos, negosyante at residente ng Talitay, Maguindanao del Norte.
Batay sa ulat, isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba mula sa Philippine National Police Regional Drug Enforcement Unit at iba pang law enforcement units sa rehiyon.
Sa isinagawang transaksyon ay iniabot umano ng mga suspek sa poseur-buyer ang isang tea bag na naglalaman ng hinihinalang shabu kapalit ng boodle money.
Matapos ang pre-arranged signal ay agad na inaresto ng mga operatiba ang dalawang suspek at sinuri ang kanilang sasakyan.
Dito nadiskubre ang tatlong tea bags na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na tinatayang 3,054 gramo na may standard drug price na mahigit P20.7 milyon.
Bukod dito ay narekober din ang P500,000 na buy-bust money, dalawang cellphone, mga identification card at isang kulay abong Toyota Fortuner na may plakang NDB 6952.
Isinagawa ang inventory ng mga ebidensya sa presensya ng kinatawan ng National Prosecution Service at isang halal na opisyal.
Dinala naman ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng pulisya sa Picong para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa mga awtoridad, bunga ang matagumpay na operasyon ng halos isang buwang monitoring at intelligence operations laban sa mga suspek.















