Arestado ang dalawang lalaki matapos masamsam sa kanila ang tatlong mahahabang baril sa isinagawang clearing operation sa Sitio Baguilan, Barangay Sigayan, Lambayong, Sultan Kudarat noong Oktubre 6, 2026.
Ayon sa Police Regional Office 12, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng 23rd Mechanized Infantry Company matapos ang isang armadong engkuwentro habang nagsasagawa ng regular na patrol sa boundary ng Barangay Kayakaya sa Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur at Sitio Baguilan sa Lambayong.
Dakong alas-9:45 ng umaga nang mamataan umano ng mga tauhan ang dalawang lalaki na may dalang tatlong mahahabang baril.
Agad silang inaresto matapos hindi makapagpakita ng kinakailangang dokumento para sa pagmamay-ari at pagdadala ng mga baril.
Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “Nonoy” at “Samsam,” 35-anyos, na kapwa residente ng Barangay Sigayan sa Lambayong.
Bukod sa tatlong mahahabang baril, nasamsam din ang mga bala, magazine, bandolier at isang handheld radio.
Dinala ang dalawang suspek kasama ang mga nakuhang ebidensya sa Lambayong Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Isasailalim naman sa ballistic examination at cross-matching ang mga baril upang matukoy kung nagamit ang mga ito sa mga naitalang insidente ng pamamaril sa Sultan Kudarat.
Inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

















