Magsisimula ang City Government of Cotabato ng isang espesyal na work arrangement simula ngayong araw, Marso 11, 2026 bilang tugon sa umiigting na global oil prices at kasalukuyang sitwasyon sa Middle East, at bilang bahagi ng pambansang programa sa energy conservation.

Ayon sa city government, sa ilalim ng bagong sistema, ang mga empleyado ay mag-uulat sa opisina mula Lunes hanggang Huwebes, mula 7:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon, habang ang Biyernes ay itatalaga para sa work-from-home arrangement.

Upang matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyong pampubliko, mananatiling bukas sa Biyernes ang mga frontline offices na may sapat na tauhan. Kabilang dito ang Office of the City Mayor, Office of the City Treasurer, Business Permits and Licensing Office, Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Office of the City Health Officer, Office of the City Civil Registrar, Office of the City Social Welfare and Development Officer, at Office of the City Engineer.

Ayon sa city officials, ang hakbang na ito ay katuwang ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na layong bawasan ang konsumo ng kuryente at gasolina sa mga government offices, habang tiniyak na walang maaantala sa serbisyo para sa publiko.