Sugatan ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Barangay Rosary Heights 10 madaling araw nitong Marso 22, 2026.
Kinilala ang biktima na si Datu Hashim Glang Dagloc, 26-anyos, na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang pulso habang naglalakad sa Phase 1, 3rd Road, Purok Bitara bandang alas-12:30 ng madaling araw.
Batay sa ulat ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang mga salarin nang lapitan at paputukan ang biktima bago mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Agad namang rumesponde ang Police Station 2 ng Cotabato City Police Office ilang minuto matapos matanggap ang ulat at kinumpirma ang pangyayari pagdating sa lugar.
Isinugod ang biktima sa Cotabato Regional and Medical Center para sa agarang gamutan at kasalukuyang nagpapagaling.
Sa isinagawang imbestigasyon, nakarekober ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng dalawang basyong bala at isang hindi pumutok na bala na hinihinalang mula sa kalibre .45 na baril.
Nagsagawa na rin ng hot pursuit operation ang mga awtoridad ngunit hindi pa natutukoy ang kinaroroonan ng mga suspek.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, kabilang ang backtracking sa CCTV, habang tinutukoy ang motibo sa krimen, na posibleng may kaugnayan umano sa ilegal na droga.
Mayroon nang tinututukang person of interest ang mga awtoridad at hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa paglutas ng kaso.

















