Mariing tiniyak ni PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. na hindi uurong ang Philippine National Police sa pagtugis sa mga responsable sa naganap na pag-atake sa mga kapulisan sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.

Ayon sa ulat, naganap ang pananambang noong gabi ng Marso 28 habang pauwi na sa kanilang detachment ang mga kasapi ng 2nd Provincial Mobile Force Company matapos ang isinagawang patrol at police visibility operations. Limang pulis ang nasawi habang tatlo naman ang sugatan at kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan.

Sa kanyang pahayag, iginiit ng PNP Chief na hindi palalampasin ang insidente at agad na papanagutin ang mga may kagagawan nito.

Ayon kay Nartatez, “We will not waver. This attack will not go unanswered. Justice will be swift, certain, and uncompromising.”

Dagdag pa nito, nakatutok na ang buong pwersa ng pambansang pulisya sa pagsasagawa ng mas pinaigting na hot pursuit operations, katuwang ang Armed Forces of the Philippines, upang agad matukoy at madakip ang mga suspek. Kasabay nito ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa mga apektadong lugar upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Tiniyak din ng PNP na patuloy ang kanilang operasyon upang mapanatili ang kaayusan at maibigay ang hustisya sa mga nasawing pulis, kasabay ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya at pagkilala sa kanilang kabayanihan sa serbisyo.