Nagkasa ng magkasanib na operasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), na nag resulta sa pagkakasamsam ng anim na matataas na kalibre ng baril sa Barangay Masigay, Datu Piang, Maguindanao del Sur, bandang alas-4:45 ng hapon noong Abril 4, 2026.

Ayon sa ulat, agad na rumesponde ang tropa ng 38th Infantry Battalion katuwang ang Datu Piang Municipal Police Station kasunod ng naganap na kaguluhan dulot ng palitan ng putok ng dalawang armadong grupo sa Sitio Tambua, Upper Masigay. Layunin ng operasyon na maibalik ang kaayusan sa lugar at matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan.

Sa clearing operations, narekober ang anim na high-powered firearms na kinabibilangan ng isang M60 machine gun, isang M4A1 rifle, isang M16 rifle, isang M14 rifle, at dalawang M653 rifles, kasama ang mga magasin at bala ng iba’t ibang uri gaya ng 5.56mm at 7.62mm.

Napag-alaman na sangkot sa insidente ang grupo ni alyas Commander. Mando Santukan ng Task Force ITTIHAD at ang grupo ni alyas Kob Silongan, na kapwa umano nagpalitan ng putok sa naturang lugar.

Patuloy naman ang hot pursuit operations ng mga awtoridad laban sa mga sangkot sa insidente.

Sa pahayag ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, iginiit nito na hindi nila kukunsintihin ang anumang uri ng karahasan at pananagutin sa batas ang mga responsable.

Samantala, tiniyak ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, na paiigtingin pa ang operasyon upang agad na madakip ang mga suspek at mapanatili ang kapayapaan sa Central Mindanao.