Narekober ng tropa ng 101st Infantry Brigade ng Philippine Army ang iba’t ibang war materials at kagamitan sa paggawa ng baril sa isinagawang combat clearing operation sa Brgy. Pabrica, Marogong, Lanao del Sur.
Isinagawa ang operasyon kahapon, Abril 11, 2026 sa pamumuno ni Brigadier General Yasser R. Bara katuwang ang 64th Infantry Battalion sa ilalim ni Lieutenant Colonel Jerry B. Gaviola.
Ayon sa militar, ang naturang lugar ay dati umanong pinamugaran ng mga miyembro ng Daulah Islamiya–Maute Group.
Kabilang sa mga narekober ang mga makinang ginagamit sa paggawa ng armas gaya ng milling machine, lathe machines, drill press, welding machine, power hacksaw at iba pang kagamitan.
Nasamsam din ang iba’t ibang war materials kabilang ang mga barrel para sa caliber .50, Barrett suppressors, magazines, wooden frames, scopes, isang 60mm tube at isang granada.
Patuloy na sinisiguro ng mga tropa ang seguridad sa lugar upang matiyak na wala nang maiiwang nakatagong armas o kagamitan na maaaring magamit muli ng mga armadong grupo.
Binigyang-diin ng militar na bahagi ito ng patuloy na operasyon upang pigilan ang muling paggamit ng war materials ng mga kalaban at mapanatili ang kapayapaan sa lalawigan.

















