Opisyal nang binuksan ng Ministry of Public Works (MPW) ng Bangsamoro Government ang 1.9-kilometrong konkretong kalsada na nag-uugnay sa Lanao del Sur at Maguindanao del Norte, kasabay ng turnover ceremony sa Butig, Lanao del Sur nitong Abril 20, 2026.
Ang proyektong tinawag na “Butig–Barira Road” ay nag-uugnay mula Barangay Sandab hanggang Makalopog sa Butig, na layuning mapabilis ang biyahe at komunikasyon sa pagitan ng mga liblib na komunidad at karatig-probinsiya ng Barira, Maguindanao del Norte.
Ayon sa MPW, bahagi ito ng mas malawak na infrastructure program ng Bangsamoro Government na naglalayong palakasin ang konektividad, pasiglahin ang lokal na ekonomiya, at makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan sa mga geographically isolated areas.
Sinabi ni Engr. Abdul Maomit Tomawis, District Engineer ng Lanao del Sur 2nd District Engineering Office, na ang naturang proyekto ay bunga ng pagtutulungan ng regional, provincial, at municipal government, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Sa panig naman ng lokal na pamahalaan ng Butig, umaasa silang makakatulong ang bagong kalsada sa mas mabilis na paggalaw ng mga produkto, serbisyo, at mas malawak na access sa serbisyong pangkalusugan at edukasyon.
Ayon kay Atty. Dimnatang Pansar, Vice Mayor ng Butig, ang proyekto ay may malaking epekto hindi lamang sa transportasyon kundi maging sa pag-unlad at kapayapaan ng lugar, dahil mababawasan din ang oras ng biyahe sa pagitan ng mga bayan.
Tiniyak naman ng LGU Butig ang patuloy na suporta sa mga proyekto ng Bangsamoro Government para sa pagpapaunlad ng rehiyon.
Sa pagbubukas ng kalsada, inaasahan ng mga opisyal na magsisilbi itong hindi lamang pisikal na ugnayan ng mga lalawigan, kundi daan din tungo sa mas inklusibo at pangmatagalang kaunlaran sa Bangsamoro region.

















