Arestado ang isang 45-anyos na lalaki na matagal nang pinaghahanap ng batas dahil sa tatlong kaso ng frustrated murder sa Isulan, Sultan Kudarat matapos matunton sa Cotabato City kahapon, May 11.
Kinilala ang suspek na si alyas Patrick, residente ng Galinato Village, Isulan, Sultan Kudarat.
Ayon sa ulat, nadakip ang suspek sa isang law enforcement operation na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Cotabato City Police Station 1 sa pangunguna ni Maj. Teofisto Ferrer Jr., kasama ang Regional Mobile Force Battalion 14 sa ilalim ni Capt. Khalil Gabriel Reston, katuwang ang Isulan Municipal Police Station at Sultan Kudarat Provincial Police Office sa ilalim ng Police Regional Office 12.
Sa hiwalay na ulat ng mga otoridad, natunton ang suspek sa kanyang pinagtataguan sa SK Pendatun Avenue, Barangay Poblacion 6, Cotabato City, kung saan agad na isinilbi ang warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 19 sa Isulan noong Pebrero 14, 2026 na nilagdaan ni Judge Ferdinand Tugas.
Batay sa imbestigasyon, nagtago umano ang suspek sa Cotabato City matapos malaman ang pagkakakasa ng mga arrest warrant laban sa kanya.
Sa tulong ng impormasyon mula sa mga residente ng Barangay Poblacion 6, na-validate ang kinaroroonan ng suspek na naging daan sa matagumpay na operasyon ng magkakatuwang na unit ng Cotabato City Police Office, PRO-BAR, at PRO 12.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang mga susunod na legal na hakbang laban sa kanya.

















