Kumpleto na ang line-up ng partidong Serbisyong Inklusibo- Alyansang Progresibo (SIAP) sa lungsod ng Cotabato.

Ito ay inilantad na isang buwan bago ang filing ng Certificate of Candidacy o COC sa unang linggo ng Oktubre.

Sa panayam kay SIAP Cotabato City President at former Minister of Interior and Local Government Atty. Naguib Sinarimbo, ang lahat ng napili ay sumailalim sa matinding rekisa o proseso ng pagpili.

Inaasahan namang ipapakilala ito sa susunod na mga araw kasabay ng nakatakdang asembliya ng partido o sa mismong araw na ng COC filing.

Kumpiyansa naman si Sinarimbo na malaki ang tiyansang makakalusot ang kanilang mga napili dahil na din sa kanilang proven track record sa serbisyo.

Bagama’t di pa napapangalanan, lumutang na ang tambalang VM Butch Abu at Kapitan Bimbo Ayunan-Pasawiran na magiging ulo ng partidong SIAP sa lungsod sa 2025.

Kung maaalala, nauna nang nagsabi at inihayag ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao na kumpleto na ang kanilang UBJP Cotabato City line up para sa darating na 2025 elections.