Pinaigting ng mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, katuwang ang international development partners, ang koordinasyon at paghahanda upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang election-related violence bago ang kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon sa Setyembre.
Sa isinagawang Peace, Public Order, Safety and Security Sectoral Working Group meeting noong Mayo 5, 2026, binigyang-diin ni Ferdhaussee Ali ng Ministry of Public Order and Safety o MPOS ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mataas na antas ng seguridad habang papalapit ang halalan.
Ayon kay Ali, kinakailangang manatiling mapagmatyag ang mga ahensya ng gobyerno at development partners upang matiyak ang mapayapa at maayos na eleksyon sa rehiyon.
Dinaluhan ang pulong ng 28 kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at international organizations sa pangunguna ng Bangsamoro Planning and Development Authority o BPDA upang talakayin ang security preparations at palakasin ang koordinasyon para sa nalalapit na parliamentary polls sa Setyembre 14.
Iniulat naman ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region o PRO-BAR na nagpapatuloy na ang paghahanda para mabantayan ang 32 parliamentary districts, 3,465 polling precincts, at mahigit 1.8 milyong rehistradong botante sa buong BARMM.
Samantala, sinabi rin ng Western Mindanao Command na patuloy ang pagbaba ng aktibidad ng mga banta mula sa communist threat groups sa mga nakalipas na buwan.
Tinalakay din sa pagpupulong ang mga hakbang upang mapigilan ang election violence, mapalakas ang community engagement, at mapabuti ang early warning at response systems sa mga lugar na itinuturing na vulnerable sa kaguluhan.
Ayon naman kay Matthew Boyall, nananatiling nakahanda ang international development partners na suportahan ang mga peacebuilding at governance initiatives ng BARMM bago at matapos ang halalan.
Patuloy namang umaasa ang mga opisyal ng BARMM na magiging mapayapa at maayos ang kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan, security sector, at international partners.

















