Muling itinalaga ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof A. Macacua si Mufti Abdulrauf A. Guialani bilang Bangsamoro Mufti.
Ayon sa inilabas na pahayag, kinilala ni Guialani ang muling pagtatalaga sa kanya bilang pagpapakita rin ng pagkilala ng pamahalaan sa mahalagang papel ng Ulama Sector sa Bangsamoro region.
Nilinaw ni Guialani na higit pa sa personal na pagtatalaga ang kanyang pasasalamat kay Macacua, dahil aniya, mahalaga ang patuloy na pagkilala at suporta sa sektor ng mga Ulama bilang isang institusyon sa pamahalaang Bangsamoro.
Mula nang maupo si Guialani sa naturang posisyon, ilan sa mga isinagawang hakbang ay ang serye ng mga pagtitipon at konsultasyon na naglalayong pag-ugnayin ang iba’t ibang grupo ng Ulama sa rehiyon.
Kabilang din dito ang pagpapalawak ng Community Peace Advocates o CPAs upang higit na maisama ang mga Ulama sa mga pagsisikap na isulong ang kapayapaan sa mga komunidad.
Iniulat din sa pahayag na nasa 90 porsiyento na ng mga plantilla position sa naturang sektor ang napunan.
Samantala, binigyang-diin sa pahayag ang patuloy na papel ng Ulama Sector sa pagpapanatili ng pagkakaisa sa Bangsamoro, anuman ang pagbabago sa pamunuan ng pamahalaan at mga kaakibat na pagbabagong pampolitika sa rehiyon.

















