Sugatan ang isang barangay chairwoman, ang kaniyang 22-anyos na anak na lalaki at isang focal person ng Ministry of Social Services and Development o MSSD matapos silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Tumbras, Kadayangan, Special Geographic Area o SGA ng BARMM kahapon ng hapon, Nobyembre 16.

Kinilala ng Police Regional Office-BARMM ang pangunahing biktima na si Fatima A. Mokamad, chairwoman ng Barangay Tumbras.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-1:30 ng hapon nang makatanggap ng impormasyon ang Kadayangan Municipal Police Station hinggil sa insidente.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Kadayangan MPS at pagdating sa lugar ay natagpuan ang itim na pickup truck na sinasakyan nina Mokamad at ng kaniyang mga kasama.

Agad na isinugod ng mga pulis sa ospital ang tatlong biktima upang mabigyan ng kaukulang lunas.

Patuloy ang imbestigasyon ng Kadayangan MPS upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa likod ng pananambang.