Dalawa ang nasawi habang dalawa pa ang sugatan sa isang insidente ng umano’y ambush na naganap sa Brgy. Kabasalan, Ligawasan, Special Geographic Area (SGA), humigit-kumulang 10 kilometro mula sa Ligawasan Municipal Police Station.
Ayon sa inisyal na ulat, naganap ang insidente bandang 12:55 ng tanghali kahapon, Mayo 19, 2026, at agad na naiparating sa mga awtoridad bandang 1:00 ng hapon ng parehong araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Brgy. Secretary Tamano Guimbalanan at Oroy Salinugan, kapwa nasa legal na edad at residente ng Brgy. Kabasalan, Ligawasan, SGA.
Sugatan naman sina Brgy. Kagawad Samerin L. Magawan at Brgy. Treasurer Irita Guimad, na kapwa residente rin ng nasabing barangay.
Sa paunang imbestigasyon, lulan ng isang kulay abong minivan na may plakang MBH 3354 ang mga biktima at binabagtas ang daan pauwi sa kanilang lugar nang pagbabarilin umano ng mga hindi pa nakikilalang armadong salarin na gumamit ng malalakas na armas.
Ayon sa Ligawasan Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula kay Brgy. Chairman Gulam Guimbalanan kaugnay ng insidente, dahilan upang agad magtungo sa lugar ang mga tauhan ng pulisya kasama ang 1405th Regional Mobile Force Company ng RMFB 14-A para beripikahin ang ulat.
Lumabas sa imbestigasyon na positibo ang insidente ng ambush, kung saan nakatakas ang mga sugatan habang naiwan ang dalawang nasawi sa pinangyarihan ng krimen.
Patuloy ang imbestigasyon at hot pursuit operations ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng mga salarin.
















