Natagpuan ang kalansay ng isang babae sa isang masukal na bahagi ng Purok Timako, Barangay Kalanganan 2, Cotabato City kahapon, Mayo 22, 2026, sa kasong iniuugnay sa umano’y family dispute.

Kinilala ang biktima sa alyas na Arbaina, 39 anyos, may asawa, at residente ng naturang lugar.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-12:03 ng tanghali nang makatanggap ng impormasyon ang Police Station 3 mula sa isang concerned citizen hinggil sa natagpuang skeletal remains sa lugar. Agad namang rumesponde ang mga tauhan bandang alas-12:23 ng tanghali upang beripikahin ang insidente.

Sa imbestigasyon, lumalabas na ang suspek na kinilala sa alyas Andoy, 28 anyos, self-employed at residente rin ng Purok Timako, ay kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Batay sa salaysay, noong May 14, 2026 ay nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang suspek at ang kanyang asawa na kinilala sa alyas Norhana, na anak ng biktima. Sa naturang insidente, inamin umano ng suspek ang pagkakapatay sa ina ng kanyang asawa at itinuro ang lokasyon kung saan umano iniwan ang bangkay sa masukal at maputik na bahagi ng Purok Timako.

Lumabas din sa imbestigasyon na matapos ang insidente, umano’y ikinulong ng suspek ang kanyang asawa sa isang bahay sa Barangay Angal, Talitay, Maguindanao del Sur, bago ito nakatakas noong May 19, 2026.

Matapos makatakas, nakabalik sa Cotabato City ang biktimang anak at kasama ang ilang kamag-anak ay nagsagawa ng search operation sa itinurong lugar, hanggang sa matagpuan ang skeletal remains noong May 22.

Agad na isinagawa ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang crime scene investigation at nakalap ang mga ebidensya sa pinangyarihan.

Inilagak na sa pangangalaga ng pamilya ang mga labi ng biktima para sa kaukulang Muslim burial rites.

Patuloy ang follow-up operation ng Police Station 3 para sa agarang pagkakaaresto sa suspek habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa kanya. Ang imbestigasyon ay nagpapatuloy at inaasahan pa ang karagdagang detalye sa mga susunod na ulat.