Umabot na sa 17 ang kumpirmadong nasawi matapos ang pagguho ng isang itinatayong gusali sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga ayon sa mga awtoridad.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Central Luzon, natagpuan ang ika-16 na bangkay bandang alas-2:07 ng madaling araw ngayong June 2, 2026, habang nadiskubre naman ang ika-17 biktima makalipas ang ilang oras sa nagpapatuloy na search, rescue, at retrieval operations.

Patuloy pa ring hinahanap ng mga responder ang tatlo pang indibidwal na pinaniniwalaang na-trap sa ilalim ng gumuhong estruktura.

Sa kabuuan, 27 katao ang naisalba mula sa insidente na nagdulot ng matinding alarma sa mga residente at kinauukulang ahensya sa lugar.

Nananatiling nakaantabay ang mga rescue team at iba pang government agencies upang matiyak na walang maiiwang biktima sa operasyon.

Samantala, muling iginiit ng mga awtoridad ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng building safety standards sa mga construction projects upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Nagpaalala rin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na tiyaking nasusunod ang mga kinakailangang permit, clearance, at kalidad ng mga itinatayong gusali sa kanilang mga nasasakupan.