Patuloy na tinutukoy ng Cotabato City Police Office (CCPO) ang mga posibleng suspek sa dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril na ikinasawi ng limang katao at ikinasugat ng dalawa pa sa Cotabato City noong Oktubre 22 at 23.

Sa panayam ng Star FM Cotabato kay Police Lieutenant Leslie Quinol, tagapagsalita ng CCPO, sinabi nitong patuloy ang koordinasyon ng pulisya sa Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng pamamaril sa Roman Vilo Street, Poblacion 6, noong Oktubre 22, na ikinasawi ng dalawang tauhan ng PCG. May isa namang nakaligtas sa insidente.

Hindi muna inilalabas ng pulisya ang ilang impormasyong nakalap upang maprotektahan ang kaligtasan ng nakaligtas at hindi maapektuhan ang imbestigasyon.

Samantala, patuloy na sinusuri ng mga imbestigador ang mga CCTV footage at iba pang impormasyon kaugnay ng pamamaril sa Maceda Fishpond, Barangay Kalanganan 2, noong Oktubre 23. Tatlo ang nasawi at dalawa ang nasugatan sa naturang insidente.