Abala na sa pag-aasikaso ng mga advance order ang mga flower shop sa Cotabato City ngayong bisperas ng Undas, habang inaasahan namang mas dadami ang mga mamimili sa mismong Nobyembre 1.

Ayon kay Elizabeth Gumapac, may-ari ng isang flower shop sa lungsod, karamihan sa kanilang transaksyon ngayon ay mga order na kailangang maihanda para sa mga customer na kukuha ng kanilang mga bulaklak ngayong araw.

Sinabi ni Gumapac na nananatiling pareho ang kanilang presyo, depende sa uri at halaga ng arrangement na nais ng customer. Nagsisimula sa 200 piso ang kanilang mga flower arrangement at umaabot hanggang 1,000 at 2,000 piso.

Napansin din niyang may ilang customer na maagang bumibili at nag-a-advance order, subalit inaasahan pa rin ang pagdami ng mamimili sa Nobyembre 1, kasabay ng pagdagsa ng mga bibisita sa mga sementeryo.

Dahil dito, pinayuhan ni Gumapac ang publiko na bumili o magpa-order na ng bulaklak nang mas maaga upang maiwasan ang abala sa trapiko at pagsisiksikan sa mga flower shop sa Undas.