Arestado ang isang High-Value Target (HVT) ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency BARMM matapos ang matagumpay na buy-bust operation sa Barangay Poblacion, Bongao, na nagresulta sa pagkakasamsam ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php6.8 milyon.
Ayon sa ulat ng PDEA BARMM, isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng PDEA Tawi-Tawi Provincial Office katuwang ang iba’t ibang yunit ng militar, pulisya, at intelligence agencies sa rehiyon.
Kinilala ang suspek bilang si “Alias Utoh,” 27 taong gulang, isang tricycle driver at residente ng nasabing lugar. Siya ay naaresto matapos umanong makipagtransaksiyon sa poseur-buyer sa isinagawang buy-bust operation.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang vacuum-sealed transparent plastic bag na naglalaman ng puting kristalinong substansiya na pinaniniwalaang shabu na may timbang na tinatayang isang kilo at tinatayang street value na Php6.8 milyon.
Narekober din ang isang itim na sling bag, isang kulay berdeng belt bag, at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Bongao Municipal Police Station ang suspek habang hinihintay ang pagsasampa ng kaukulang kaso at inquest proceedings dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ng PDEA BARMM ang matagumpay na operasyon bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga sa rehiyon at muling iginiit ang kanilang pangako na sugpuin ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa Bangsamoro.

















