Umabot sa mahigit P35.4 milyon ang halaga ng umano’y smuggled na sibuyas at bawang na nasamsam ng mga awtoridad sa isang cold storage facility sa bayan ng Talavera, Nueva Ecija.

Batay sa ulat, isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng National Bureau of Investigation–Special Action Unit (NBI-SAU), Bureau of Customs (BOC), at Philippine Coast Guard (PCG) matapos ang natanggap na reklamo kaugnay sa umano’y ilegal na importasyon, imbakan, at distribusyon ng naturang mga produkto sa lokal na merkado.

Bilang bahagi ng imbestigasyon, nagsagawa ng surveillance, validation, at test-buy operation ang mga awtoridad sa naturang cold storage facility na matatagpuan sa Bypass Road, Barangay Calipahan, Talavera.

Ang mga sample na nakuha mula sa operasyon ay isinailalim sa pagsusuri ng Department of Agriculture–Bureau of Plant Industry (DA-BPI) na nagkumpirmang imported ang mga naturang sibuyas.

Noong Abril 24, 2026, sa bisa ng Letter of Authority, pormal na isinagawa ng NBI-SAU, BOC, at PCG ang inspeksyon sa pasilidad at nadiskubreng nakatago ang malalaking volume ng imported na sibuyas sa likod ng mga locally packed na produkto, na hinihinalang paraan ng pagtatago sa aktwal na kalikasan ng mga kalakal.

Matapos mabigong makapagbigay ng sapat na paliwanag ang may-ari ng pasilidad sa loob ng itinakdang panahon, nagpalabas ang Bureau of Customs ng Warrant of Seizure and Detention noong Mayo 21, 2026 para sa pagkumpiska ng mga nasabing agricultural products.

Ayon sa mga awtoridad, lumampas sa itinakdang threshold ng Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang produkto, dahilan upang maituring itong agricultural smuggling na maituturing na economic sabotage.

Patuloy ang follow-up investigation ng NBI-SAU upang tukuyin ang iba pang posibleng sangkot at makapagsampa ng kaukulang kaso sa ilalim ng RA 12022, RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act, at iba pang umiiral na batas.