Isang thanksgiving kanduli ang isinagawa sa Palimbang, Sultan Kudarat bilang pagtitipon at paggunita sa opisyal na pag-upo ni Commander Teng Jakiri bilang bagong 104th Base Commander ng Moro Islamic Liberation Front–Bangsamoro Islamic Armed Forces (MILF-BIAF).

Dinaluhan ang naturang okasyon ng mga opisyal ng 104th Base Command, kabilang sina SMF Front Commander Hadji Jordan Esmael, PolCom Chairman Kingboy, Vice Mayor ng Palimbang, mga opisyal ng Barangay Local Government Unit (BLGU), at ilang kinatawan ng SWM BIWAB.

Sa mga pahayag sa pagtitipon, nagpaabot ng suporta ang lokal na pamahalaan sa bagong liderato ni Commander Jakiri, kasabay ng pagbibigay-diin sa kahalagahan ng patuloy na ugnayan sa pagitan ng LGU at BIAF upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.

Binalikan din sa programa ang makasaysayang papel ng Palimbang sa Bangsamoro struggle at sa patuloy na pag-unlad ng MILF bilang organisasyon.

Bilang tugon, muling pinagtibay ng 104th Base Command ang kanilang katapatan sa pamunuan ng MILF at Central Committee, habang inihayag ang patuloy na suporta sa Bangsamoro peace process na layuning isulong ang pagkakaisa at kapayapaan sa rehiyon.