Isinapubliko na ng Bangsamoro Federalist Party (BFP) ang opisyal nitong numero sa balota at slogan bilang bahagi ng pinalakas na voters information campaign para sa nalalapit na kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 2026.

Ayon sa partido, ang Number 4 ang kanilang opisyal na ballot number, habang gagamitin naman nila ang slogan na “Para sa Bangsamoro” sa kanilang information at awareness drive.

Sinabi ng BFP na layunin ng naturang hakbang na higit na maipakilala sa mga botante ang partido at ang mga isinusulong nitong adhikain sa iba’t ibang komunidad sa rehiyon.

Ang Bangsamoro Federalist Party ay kabilang sa mga rehistrado at aprubadong Regional Parliamentary Political Parties (RPPP) na pinahintulutang lumahok sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections ng Commission on Elections (COMELEC).

Nakatakdang isagawa ang makasaysayang halalan sa Setyembre 14, 2026, kung saan pipili ang mga mamamayang Bangsamoro ng kanilang mga kinatawan sa unang halal na Bangsamoro Parliament.