Nagbabala ang Metro Cotabato Water District (MCWD) sa publiko hinggil sa posibleng pansamantalang pagkawala ng suplay ng tubig at mahinang water pressure na mararanasan sa buong service area nito ngayong Martes, Hunyo 9, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Ayon sa MCWD, isasagawa ang upgrading ng transformer sa Dimapatoy Pumping Station sa Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Mula sa kasalukuyang 167KVA, papalitan ito ng mas mataas na kapasidad na 333KVA upang mapahusay ang operasyon ng pasilidad.
Dahil sa naturang aktibidad, kinakailangang bawasan ang operasyon ng mga water pump habang isinasagawa ang upgrading.
Bunga nito, maaaring makaranas ng pansamantalang pagkawala ng tubig ang mga concessionaire na matatagpuan sa matataas na lugar at mga endpoint ng distribution system.
Samantala, ang iba pang mga lugar na sakop ng serbisyo ng MCWD ay inaasahang makararanas ng mahinang presyon ng tubig sa itinakdang oras ng operasyon.
Tiniyak naman ng MCWD na ginagawa ng kanilang Production Team, katuwang ang COLIGHT, ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matapos agad ang proyekto at maibalik sa normal ang serbisyo sa lalong madaling panahon.
Pinapayuhan ang mga residente na mag-imbak ng sapat na suplay ng tubig bago magsimula ang aktibidad upang maiwasan ang abala.
Humihingi rin ng pang-unawa ang pamunuan ng MCWD sa mga maaapektuhang concessionaire at nagpasalamat sa kanilang patuloy na kooperasyon habang isinasagawa ang pagpapabuti ng pasilidad na magbibigay ng mas maayos at matatag na serbisyo sa hinaharap.

















