Itinaas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa RED alert status ang National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (NDRRMOC) kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani nitong June 8, 2026.
Batay sa Memorandum No. 134, s. 2026, ang lindol na may lalim na 33 kilometro ay nagdulot ng malakas na pagyanig sa ilang bahagi ng Mindanao, kung saan naitala ang Intensity VII sa General Santos City.
Naramdaman din ang Intensity VI hanggang IV sa mga kalapit na lugar kabilang ang Palimbang sa Sultan Kudarat, Davao areas, Cotabato, Zamboanga del Norte, at iba pang karatig na rehiyon.
Dahil sa posibleng epekto ng malakas na lindol, kabilang ang aftershocks at pinsala sa imprastraktura, agad na isinailalim sa RED alert ang NDRRMOC epektibo alas-9:00 ng umaga ngayong Hunyo 8.
Inaatasan din ang mga Detailed Duty Officers mula sa AFP, BFP, PCG, PNP, at iba pang ahensya gaya ng DILG, DSWD, DPWH, DepEd, at DOH na mag-duty sa operations center upang tumutok sa koordinasyon ng emergency response.
Hinihiling sa lahat ng concerned agencies at regional DRRM councils na patuloy na mag-monitor sa kani-kanilang area of responsibility, magsumite ng situational reports, at i-update ang NDRRMOC sa pamamagitan ng opisyal na monitoring systems ng ahensya.
Patuloy na pinapaalalahanan ang publiko na manatiling alerto sa aftershocks at sundin ang mga opisyal na abiso mula sa mga awtoridad.

















