Niyanig ng magnitude 7.0 na lindol ang General Santos City at ilang bahagi ng Mindanao bandang alas-7:37 ng umaga ngayong Lunes, Hunyo 8.

Batay sa datos ng PHIVOLCS, naitala ang sentro ng lindol sa layong 13 kilometro timog ng General Santos City, na may lalim na 10 kilometro.

Pinakamalakas na naramdaman ang pagyanig sa General Santos City na umabot sa Intensity VII, habang Intensity VI naman ang naitala sa mga bayan ng Palimbang at Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat.

Naramdaman din ang Intensity V sa Davao City, Kidapawan City, Carmen sa Cotabato, at ilang bayan sa Sultan Kudarat at Zamboanga del Norte.

Umabot naman sa Intensity IV ang pagyanig sa Mati City at ilang bayan sa Davao Oriental, Zamboanga Sibugay, at iba pang kalapit na lugar.

Naitala rin ang mas mahinang pagyanig sa iba’t ibang bahagi ng Caraga Region, Zamboanga Peninsula, at maging sa ilang lugar sa Leyte at Southern Leyte.

Samantala, batay sa instrumental records ng PHIVOLCS, umabot din sa Intensity VII ang naitalang pagyanig sa Koronadal City at Santa Maria, Davao Occidental.

Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon habang nagsasagawa ng assessment sa mga posibleng pinsala at epekto ng lindol sa mga apektadong lugar.

Pinapayuhan ang publiko na manatiling kalmado, maging alerto sa posibleng aftershocks, at sundin ang mga abiso ng mga kinauukulang ahensya.