Nasagip ng mga awtoridad ang kabuuang 53 native at exotic wildlife species sa isinagawang operasyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Barangay Maribulan, Alabel, Sarangani Province noong Hunyo 4.
Batay sa ulat, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal na pagbibiyahe at bentahan ng mga wildlife species sa lugar.
Sa pagsalakay ng mga operatiba sa isang pansamantalang holding facility at residential compound sa Purok Silangan, natuklasan ang iba’t ibang uri ng hayop na nakakulong sa mga kahoy na crates at wire cages na hinihinalang inihahanda para sa distribusyon o bentahan.
Agad namang tumakas ang ilang kalalakihang hinihinalang sangkot sa operasyon nang dumating ang mga awtoridad at patuloy pa ring tinutukoy ang kanilang pagkakakilanlan.
Kinilala naman ang isa sa mga suspek sa alyas na Son, isang Indonesian national at residente umano ng Bolmong Selatan, Indonesia.
Kabilang sa mga nasagip na wildlife species ang 14 Eclectus Parrots, 18 Black-capped Lories, 11 Victoria o Western Crowned Pigeons, tatlong Wallabies, tatlong Rufous Hornbills, dalawang Sulphur-crested Cockatoos, isang Black Lory, at isang White-bellied Sea Eagle o “Haliaeetus leucogaster.”
Ayon sa DENR, ang White-bellied Sea Eagle ay kabilang sa mga vulnerable species batay sa DENR Administrative Order No. 2019-09.
Lumabas din sa paunang imbestigasyon na walang kaukulang permit ang pagmamay-ari at pagbiyahe ng mga wildlife species, na posibleng paglabag sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Pinangunahan ang operasyon ng CIDG Sarangani Provincial Office sa ilalim ni Police Major Julius A. Vallejo katuwang ang DENR-CENRO Glan na pinamumunuan ni Forester Franklin M. Lebrilla.
Tumulong naman si Dr. Roy O. Mejorada, Senior Ecosystem Management Specialist ng Protected Area Management Office-Sarangani Bay Protected Seascape, sa pagtukoy sa mga nasagip na hayop.
Matapos ang isinagawang inventory, 51 wildlife specimens ang isinailalim sa kustodiya ng CIDG bilang ebidensya habang ang White-bellied Sea Eagle ay inilipat sa Sarangani Environmental Conservation and Protection Center para sa veterinary assessment at kaukulang pangangalaga.
Gayunman, kinumpirma ng mga awtoridad na namatay ang dalawang Wallabies matapos ang operasyon kaya’t 50 na lamang na buhay na wildlife specimens ang kasalukuyang nasa pangangalaga ng pamahalaan.
Inihahanda na ng CIDG ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable sa ilegal na wildlife trade habang nagpapatuloy ang operasyon upang matukoy at maaresto ang iba pang sangkot sa insidente.
Muli namang nananawagan ang DENR sa publiko na makiisa sa pagprotekta sa wildlife species sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang ilegal na panghuhuli, pagbibiyahe, pagmamay-ari, at bentahan ng mga hayop na banta sa biodiversity at kalikasan ng bansa.

















