Pinaigting ng Malacañang ang suporta nito sa pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan at imprastraktura laban sa pagbaha sa Misamis Occidental sa pangunguna ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo Jr. sa pagpapasinaya ng P1.6-bilyong medical center at Layawan Flood Control Project nitong unang bahagi ng Nobyembre.
Kinatawan ni Lagdameo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbubukas ng Asenso Misamis Occidental Medical Center (AMOMC) sa Barangay Talairon, Oroquieta City, bago dumalo sa pagpapasinaya ng Layawan Flood Control Project sa Barangay Taboc Norte.
Sa mensaheng ipinaabot sa pamamagitan ni Lagdameo, sinabi ni Marcos na bahagi ang bagong pasilidad ng pagsisikap ng pamahalaan na palawakin ang healthcare infrastructure at ilapit ang mga espesyalisadong serbisyong medikal sa mga komunidad lalo na sa mga malalayong lalawigan.
“No Filipino should be unable to access healthcare because they cannot afford it, because local hospitals cannot accommodate them, or because they have to travel far to receive proper treatment,” sabi ng Pangulo.
May kapasidad na 500 kama ang Level 1 General Hospital na ito at nilagyan ng mga makabagong pasilidad para sa medical at laboratory services, kabilang ang oncology at cancer care, trauma care at iba pang espesyalisadong serbisyong medikal.
Inaasahang makapaglilingkod ito sa 800 hanggang 1,224 na pasyente kada buwan.
Pinangunahan at pangunahing pinondohan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Misamis Occidental ang proyektong nagkakahalaga ng P1.6 bilyon, sa tulong ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF).
Sa kabuuang halaga ng proyekto, P151 milyon ang nagmula sa LGSF, kabilang ang P51 milyon na inilaan para sa pagbili ng mga kagamitang medikal at laboratoryo.
Handog din ng ospital ang Zero Balance Billing para sa mga pasyenteng naka-basic o ward accommodation, kung saan wala silang kailangang bayaran para sa mga saklaw na serbisyo.
Ayon kay Marcos, makatutulong ang bagong pasilidad upang mabawasan ang pangangailangan ng mga pasyente na bumiyahe pa sa labas ng lalawigan para magpa-diagnostic test at makatanggap ng mga espesyalisadong serbisyong medikal. Sa ganitong paraan, makatitipid din sila sa oras at gastos.
Inilahad ng Pangulo ang mas malawak na programa ng pamahalaan para palawakin ang mga pasilidad pangkalusugan sa bansa. Mula Hulyo 2022 hanggang Abril 2026, nakapagtayo ang pamahalaan ng 3,088 health facilities at nakabili ng 6,699 na makabagong kagamitang medikal sa buong bansa.
Binanggit niya ang mga programa ng pamahalaan para sa tulong pinansyal sa pagpapagamot, na nakinabang ang 3.97 milyong pasyente sa ilalim ng Zero Balance Billing program at 1.71 milyong pasyente sa pamamagitan ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients program.
Bukod sa pagpapasinaya ng medical center, pinangunahan din ni Lagdameo ang pagbubukas ng Layawan Flood Control Project sa Oroquieta City bilang bahagi ng mga aktibidad ng pamahalaan para sa pagpapabuti ng imprastraktura sa lalawigan.
Sa kanyang mensahe, tiniyak ni Marcos na magpapatuloy ang suporta ng pambansang pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan upang mapahusay ang paghahatid ng serbisyong publiko at mapaunlad ang imprastraktura sa kanilang mga nasasakupan.
“Remember, you can count on your national government, through the Department of Health, to continue supporting you in this important work,” saad ng Pangulo.
Nagsagawa ng soft opening ang medical center noong unang bahagi ng Oktubre at kasalukuyan na itong operational at tumatanggap ng mga pasyente. Gayunman, sumasailalim pa sa proseso ang aplikasyon nito para sa accreditation ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth). [END]

















