Pinalaya na sa natural nitong tirahan ang isang adult Philippine serpent eagle matapos makakuha ng medical clearance kasunod ng pagkakasagip dito sa Barangay Midpapan, Pigcawayan, Cotabato.

Agad na isinuko ng isang residente ang agila sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Pigcawayan matapos itong matagpuan.

Una itong sinuri ng municipal veterinarian bago inilipat sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Midsayap noong Nobyembre 16 para sa kustodiya at dokumentasyon.

Muli itong sumailalim sa pagsusuri noong Nobyembre 17 sa tulong ng Office of the Municipal Agriculturist (OMAG) ng Midsayap, kung saan nakumpirmang wala itong sugat o karamdaman at maaari nang ibalik sa natural nitong tirahan alinsunod sa mga panuntunan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Kabilang ang Philippine serpent eagle sa mga ibong mandaragit na tumutulong sa pagkontrol sa populasyon ng mga daga at ahas, kaya mahalaga ang papel nito sa pagpapanatili ng balanse ng ekosistema.