Inihayag ni Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao na may ilang mahahalagang pagpupulong at usapin sa loob ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) na hindi umano naipabatid sa kanya noong miyembro pa siya ng partido.
Sa isang press conference kasunod ng kanyang pag-alis sa UBJP, sinabi ng alkalde na kabilang sa mga pangyayaring nalaman na lamang niya sa kalaunan ang ilang pagpupulong ng liderato ng partido at ang pagbisita ni dating Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi sa Camp Darapanan.
Ayon kay Matabalao, ikinagulat niya na hindi siya nabigyan ng impormasyon kaugnay ng naturang mga pagpupulong at mga usaping tinalakay ng mga lider ng partido.
Gayunman, nilinaw ng alkalde na hindi niya layuning magbitiw ng akusasyon laban sa UBJP at sa mga opisyal nito.
Binigyang-diin pa niya na nananatili ang kanyang paggalang at pagpapahalaga sa partidong minsang kanyang kinaaniban at wala umano siyang hinanakit sa sinuman.
Aniya, marami pa rin siyang magagandang alaala at karanasan habang bahagi ng partido.
Ang pahayag ng alkalde ay lumabas matapos niyang kumpirmahin ang kanyang pagbibitiw sa UBJP at paglipat sa Bangsamoro Federalist Party (BFP).
Ayon kay Matabalao, matagal niyang pinag-isipan at ipinagdasal ang naturang desisyon bago ito tuluyang isinapubliko.

















