Inaasahang makararanas ng magkakaibang lagay ng panahon ang iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong Araw ng Kalayaan dahil sa epekto ng Habagat o Southwest Monsoon at ng Easterlies.

Ayon sa weather advisory, magdadala ang Habagat ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.

Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, na may posibilidad ng mga panaka-nakang pag-ulan o thunderstorm, partikular sa Eastern Visayas, Caraga, Northern Mindanao, at Zamboanga Peninsula dahil sa umiiral na Easterlies o mainit na hanging nagmumula sa Karagatang Pasipiko.

Sa usapin naman ng hangin at karagatan, inaasahan ang mahina hanggang katamtamang lakas ng hanging mula timog hanggang timog-kanluran sa Northern at Central Luzon. Habang mahina hanggang katamtamang hanging mula silangan hanggang timog-silangan naman ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng kapuluan.

Mananatili namang bahagya hanggang katamtaman ang kondisyon ng mga karagatan sa buong bansa.

Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto sa mga posibleng biglaang pag-ulan at pagkulog, lalo na sa mga lugar na maaapektuhan ng thunderstorms, habang ipinagdiriwang ang ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.