Umakyat na sa 38 ang bilang ng mga indibidwal na nawawala matapos ang malakas na magnitude 7.8 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes ng gabi.
Mas mataas ito kumpara sa naunang ulat na 31 missing, kasunod ng mga bagong datos mula sa Glan, Sarangani at General Santos City. Sa kabilang banda, nananatili sa 47 ang bilang ng mga kumpirmadong nasawi.
Ayon kay Civil Defense Deputy Administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV, patuloy ang beripikasyon ng mga ulat ng casualties sa pakikipag-ugnayan ng Department of Health at Department of the Interior and Local Government upang matiyak ang tamang datos at maiwasan ang dobleng bilang.
Nilinaw din ng OCD na dumaan sa masusing validation ang kanilang talaan upang hindi mapabilang ang mga nawawala bilang pumanaw nang walang kumpirmasyon.
Samantala, nananatiling mahirap pasukin ang ilang baybaying lugar tulad ng Glan sa Sarangani, Jose Abad Santos sa Davao Occidental, at Balut Island dahil sa mga pagguho ng lupa na dulot ng lindol.
Patuloy naman ang clearing at road restoration operations ng Department of Public Works and Highways, habang ginagamit ng mga awtoridad ang helicopter at mga bangka upang maihatid ang tulong sa mga isolated na komunidad.
Ayon pa sa OCD, isasailalim muna sa masusing assessment ang sitwasyon sa mga apektadong lugar bago magdesisyon kung ipagpapatuloy pa ang search and rescue operations o lilipat na ito sa retrieval phase sa mga susunod na araw.

















