Opisyal nang nanumpa bilang mga bagong kasapi ng Bangsamoro Federalist Party (BFP) si Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao kasama ang anim na miyembro ng Sangguniang Panlungsod at ilang opisyal ng barangay sa isang seremonya na isinagawa sa lungsod ngayong araw.

Pinangunahan ni Bangsamoro Parliament Member Tomanda Antok ang oath-taking ceremony na dinaluhan ng mga opisyal, miyembro, at tagasuporta ng partido.

Kabilang sa mga nanumpa kasama ng alkalde sina Councilors Florante “Popoy” Formento, Datu Raiz Sema, Michael Datumanong, Atty. Anwar Malang, Mohamad Ali Mangelen, at Joven Pangilan.

Dumalo rin sa aktibidad ang iba pang mga opisyal ng partido at mga lokal na lider na nagpahayag ng suporta sa mga programa at layunin ng BFP.

Ayon kay Antok, ang pagdami ng mga lider na umaanib sa partido ay indikasyon ng patuloy na paglawak ng suporta nito sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Matatandaang kamakailan lamang ay kinumpirma ni Mayor Matabalao ang kanyang pag-alis sa United Bangsamoro Justice Party (UBJP) bago ang kanyang paglipat sa Bangsamoro Federalist Party.