Nakadagdag sa pangamba ng mga residente ang paglitaw ng ilang malalaking sinkhole sa Balut Island at mga karatig-baybaying lugar sa timog Mindanao kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Maasim, Sarangani noong June 8.
Batay sa mga ulat mula sa mga residente, kapansin-pansin pa rin ang mga pagbabagong dulot ng malakas na pagyanig sa ilang komunidad. Kabilang dito ang pagbabago sa lebel ng tubig-dagat at unti-unting paglubog ng ilang bahagi ng lupa.
Ayon sa mga eksperto, maaaring epekto ito ng paggalaw ng fault line at iba pang prosesong heolohikal na na-trigger ng lindol. Posible umanong nagkaroon ng pagbabago sa taas at anyo ng ilang bahagi ng kalupaan, dahilan upang mabuo ang mga sinkhole sa ilang lugar.
Sa ngayon, patuloy na nagsasagawa ng pagsusuri at monitoring ang mga geologist at kinauukulang ahensya upang matukoy ang lawak ng epekto ng insidente at ang mga posibleng banta sa mga komunidad.
Samantala, pinaaalalahanan ang mga residente na maging maingat at iwasang lumapit sa mga lugar na may bitak sa lupa, palatandaan ng paglubog ng kalupaan, at mga bagong nabuong sinkhole habang nagpapatuloy ang assessment ng mga eksperto.

















